Biyernes, Mayo 10, 2013

DANIEL PADILLA LIVE at the BIG DOME: The MOST KILIG and FUN CONCERT of 2013


SIKAT na sikat talaga ngayon sa mga bagets si Daniel Padilla. 'Yun ang nasaksihan namin nang manood kami ng Daniel Live: A Birthday Concert nu'ng Martes ng gabi (Abril 30) sa Araneta Coliseum.


Sandamakmak na teenagers na nonstop kung magtilian ang dinatnan namin sa Big Dome. Bago pa magsimula ang show ay ganado nang maghiyawan ang mga kabataan na tila hindi nauubusan ng energy.

In fairness ay may pambili ng concert tickets ang mga bagets fan ni Daniel. Soldout ang Patron at Lower Box section. Halos puno rin ang Upper Box section at ang dami ring tao sa General Admission.

Hindi biro 'yung crowd na dumagsa para panoorin si Daniel ganu'ng first time niya itong mag-Araneta at hindi siya concert artist. Ibang klase ang teen power na nakita namin nu'ng gabing 'yon.

Noon lang ulit kami nakanood ng concert na halos mabingi kami sa lakas ng tilian at hiyawan, na para bang si Justin Bieber ang may concert o isang famous rock star.

Lalong nagkagulo ang fans at hindi magkama­yaw nang lumabas na sa entablado ang Kapamilya teen actor at bumanat ng opening number niya na We Will Rock You.

In all fairness kay Daniel, kahit first major concert niya ito ay parang sanay na sanay na siya sa stage ng Araneta.
Kaswal na kaswal ang kanyang galaw at kampante lang siya habang walang puknat ang hiyawan ng crowd.
Parang walang nerbiyos si bagets at ang iniisip lang ay ang mag-enjoy at mapaligaya ang kanyang mga tagahanga.

Hindi man kagandahan ang kanyang boses ay keri naman niyang kumanta. Bet na bet ng fans 'yung mga pasigaw-sigaw niya na may kasamang angas at attitude.

At tulad ng isang tunay na rakista, ang likut-likot ni Daniel sa stage at panay ang galaw niya. Hindi man siya sumasayaw ay hyper ang movements niya at hindi siya napipirmi lang na basta nakatayo sa stage.

Minimal lang din ang spiels ng 18-anyos na matinee idol in between his songs. Sabi niya, grabe ang sayang nararamdaman niya dahil natupad ang isa sa mga pangarap niya nu'ng gabing 'yon.

Ilan sa mga inawit niya ay nagmula sa kanyang dalawang albums (na parehong nag-double platinum).

Nang kantahin niya ang Eraseherheads hits na Ligaya at Huling El Bimbo, humirit siya sa audience ng, "Ayos ba? Puwede na ba akong singer?" na sinagot ng malakas na dagundong ng buong Araneta.


Sey ni DJ (palayaw ni Daniel), dati ay mahiyain siya pero ngayon ay wala na siyang panahon para mahiya.
Para sa kanyang mga pangarap ay nawala ang kanyang hiya.



Sa tuwing umaawit siya ay nakiki-sing along ang kanyang avid fans. Kaya napadayalog siya ng "Grabeng kasulitan 'tong nararamdaman ko ngayon!" sa sobrang tuwa.




***


Si Arnel Pineda ang unang guest ni Daniel. Isa raw si Arnel sa mga idolong rock singers ni DJ. I Don't Wanna Miss A Thing ang binanatan ng lead vocalist ng Journey.

Parang kinikiliti sa kilig ang teenage girls nang kantahin ni DJ ang Binibini. 'Kagulo ang bagets crowd lalo nang bumaba sa stage ang kanilang idol.

Nang awitin niya ang Sisikat Din Ako (mula sa 2nd album niyang DJP), nabanggit ni Daniel na paborito niya ang kanta niyang 'yon dahil parang kuwento ito ng kanyang buhay.

Aniya, tumatayo siya para sa pamilya niya. Hinikayat niya ang mga kabataang tulad niya na tumayo rin para sa kanilang mga pamilya.



After ng kanyang yugyugan dance number ay umentra si Pokwang at nag-comedy skit ala Mommy Dionisia kasama ang lookalikes nina Manny Pacquiao at Jinkee Pacquiao. Tilian na naman nang yakapin at halikan ni Pokie si DJ.

Isang masuwerteng girl (na nanalo raw sa isang pa-contest niya sa KFC) ang hinarana ni DJ sa stage ng kanta niyang Diskarte.

Ang daming nainggit sa nasabing babae.

Habang pinagmamasdan namin si Daniel sa giant screen ay parang lalong lumalakas ang kanyang charm.
Parang napakapogi niya nu'ng gabing 'yon at grabe ang kanyang star aura.

At ang cute ni DJ dahil kahit lahat ng girls ay gusto siyang halikan, yakapin at magpapiktyur sa kanya ay parang nahihiya siya 'pag pinagkakaguluhan siya at kadalasan ay napapatungo ang ulo niya. Hindi siya FEELING at parang wala siyang yabang sa katawan.

Namigay siya ng mga rosas sa audience nang kantahin niya ang Prinsesa. Hiyawan muli ang fans sa ipinalabas na video ng kanyang mga kapatid na lalaki, na kung anu-ano ang kuwento tungkol kay DJ, na kung tawagin nila ay Boy Romantiko.


Kuwela 'yung sumunod na number na nag-Mr. Suwabe si Daniel kasama ang brothers niyang sina Raprap, RJ at JC na lahat sila ay may malalaking bigote.

May portion ng kanta na mali ng pasok ang magkakapatid pero natawa na lang sila.


After their number ay umentra ang erpat ni DJ na si Rommel Padilla at binati ng happy birthday ang sikat nitong anak. Ang ermat ni DJ na si Karla Estrada ay pinakita sa videowall at kitang sobrang proud din sa kanyang anak.














Ito na raw ang best birthday ni Daniel. Tapos ay nag-jamming sila ng banda niyang Parking 5, na gitarista lang siya at ang bradir niyang si JC ang bokalista. Animo'y mga superstar din ang members ng P5 sa lakas ng tilian sa kanila.











Beatles number ang kasunod nito, na sinamahan si DJ ng mga taga-Star Magic Circle 2013. Tapos ay medyo naging emo siya sa With or Without You ng U2, na sineryoso niya ang pagkakaawit.


Pagkatapos ng U2 number ni Daniel ay si umentra ang next guest niyang si Yeng Constantino at kinanta nila ang Awit ng Kabataan (ng Rivermaya).

Nag-solo spot si Yeng at lalong nabuhay ang Araneta audience dahil swak ang mga awitin niya sa rock vibe ng concert ni Daniel.

Parang sasabog ang eardrums namin sa lakas ng hiyawan sa next portion na kumanta si DJ (palayaw ni Daniel) ng Ako'y Sa 'Yo, Ika'y Akin, tapos ay umentra ang ka-loveteam niyang si Kathryn Bernardo at naki-duet sa kanya.

In fairness ay ang ganda-ganda ni Kathryn sa kanyang beaded gown at sa ayos ng kanyang hair. Ang guwaping ni DJ at ang pretty ni Kath, bagay na bagay ang dalawang bagets!




Kulitan at harutan ang sumunod nang biglang lumabas si Vice Ganda at turuan ng tamang pagpapakilig ang dalawa.

Hirit ni Vice, hindi pa kinikilig ang mga tao dahil dapat ay may mamatay sa audience nang dahil sa kilig.

Pinleytaym din ni Vice ang ABS-CBN President na si Ms. Charo Santos-Concio na nasa audience. Aniya, natutuwa lang si Ma'am Charo sa Kath­Niel pero hindi pa ito kinikilig, dapat daw ay maihi si Ma'am Charo sa kilig!

Tawa lang nang tawa si Ma'am Charo, na sanay nang ginagamit ni Vice sa mga punchline nito.

Nang utusan ni Vice ang dalawa na umakting na kunyari ay nagulat sa pagsulpot nu'ng isa, nagdayalog si Daniel ng, "Kasi kami, hindi kami umaarte. Hindi kami plastik!"

Nang usisain ni Vice kung sinu-sino 'yung mga loveteam na umaarte lang at hindi totoo, parang si Kathryn ang na-tense at binago na lang nito ang topic.

Ipinaalala ni Vice 'yung sinabi noon ni DJ sa guesting nila ni Kath sa GGV na hindi pa masasabi ni Daniel na 'nasa kanya na ang lahat' dahil hindi pa ito sinasagot ng ka-loveteam.

On the spot na tanong ni Vice kay Kath, "Nga­yon, nasa kanya ka na ba?" na natatawang sinagot ng dalaga ng, "Oo naman!" Kilig much na naman ang buong Big Dome.

Tapos ay pinagawa ni Vice sa dalawa 'yung swit-switang slow dance nila sa launching mo­vie nila na Must Be…Love, na ang sasabihin ni Kath ay, "DJ, i-Patchot mo ako!"


Ginawa naman ito ng dalawa, na ang ending ay nag-bend pababa si Kathryn habang magkalapit ang mga mukha nila ni Daniel na animo's magki-kiss.

Parang sasabog ang Araneta sa tindi ng reaksyon ng bagets crowd sa kilig moment na 'yon ng KathNiel.

Tuwang-tuwa si Vice, na sa sobrang kilig ay kiyemeng napahiga sa ibabaw ng props na kotse na nasa stage. Nainggit ang hitad na Vice at gusto ring maghanap ng magpa-Patchot sa kanya.



Bago umalis si Vice ay hinilingan niya ng sayaw si DJ. Ayaw magsayaw ng Kapamilya teen actor pero dahil close sila ni Vice ay pinagbigyan niya ito.


Hiyang-hiyang si DJ at sinabihang magtakip ng mata o tumalikod si Kath para huwag nitong makita ang pagsayaw niya.


In fairness ay walang dapat ika-shy si Daniel dahil ang cute niyang sumayaw at effortless ang galaw niya.
Lalo siyang umani ng pogi points sa kanyang Dougie dance, na sinundan ng Harlem Shake at ng konting Gentleman dance ni Psy.

Mangiyak-ngiyak si Kath nang magbigay ng b-day wish for her ka-loveteam. Sey ni DJ, si Kath ang pinakaunang nag-congratulate sa kanya at ito ang pinakanatutuwa sa lahat ng magagandang nangyayari sa kanya.

"Ito ang inspirasyon ko. Ito ang nagdala sa akin, sa simula pa lang," ang nakaka-touch na sambit ni DJ, habang niyayakap ang teary-eyed na ka-loveteam.

Tapos no'n ay nag-duet sila ng Nasa 'Yo Na Ang Lahat.


Pag-exit ni Kath ay inawit ni DJ ang hit song ng kanyang Daddy Naldy (Padilla, na naging karelasyon din noon ng madir niyang si Karla Estrada) na Pagsubok.

Isa raw ang kanyang Daddy Naldy sa mga nagpalaki sa kanya at mahal na mahal niya ito kaya inalay niya rito ang nasabing kanta.

Ang sarili niyang hit song na Hina­hanap-hanap Kita ang finale song ni DJ. Nang tanungin niya ang audience ng, "Uulitin ba natin 'to?" ay isang pagkalakas-lakas na "Oo!" ang isinigaw ng kanyang hyper na fans.

Itsura ng laban ni Manny Pacquiao ang concert na 'yon ni Daniel dahil napanood ito nang live sa SkyCable via Pay Per View.

During the show ay panay ang bati ni DJ sa fans niya from Cebu, Davao at kung saan-saan pa dahil nakatutok pala ang mga ito sa cable.

"May next time pa, huwag kayong mag-alala!" ang iniwang pramis ng hot na hot ngayong teen idol sa kanyang mga tagahanga.

Sa success ng birthday concert niyang 'yon ay hindi kataka-takang magkaroon ito ng repeat.



Nakakatuwa dahil nakalikha na naman ng bagong star ang ABS-CBN. After naming mapanood ang concert ni Daniel ay nasabi naming may karapatan ang bagets na tawaging Phenomenal Teen Actor.

At sa ginawa na 'yon ni Daniel sa Araneta ay pinakain niya ng alikabok at pinag-iwanan niya nang milya-milya ang lahat ng kabataang aktor na kapanabayan niya!




Courtesy of this blog post: Abante-Tonite Online | Showbiz, Abante-Tonite Online | Showbiz and Allan Diones

All the pictures is credit to Araneta ColiseumJodi Herrera and me.

MORE PICTURES:
Daniel Padilla Live at The Big Dome. Photos by Bruce Casanova
Big Dome Moments: Daniel Padilla ♥ Kathryn Bernardo. Photos by Bruce Casanova
Daniel Padilla with Guests. Photos by Bruce Casanova
[04.30.13] Daniel Padilla Birthday Concert. Photos by Jodi Herrera

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento